Nagising ako. Yun tipong biglang mulat.
Madalas, mahalaga sakin ang pagtulog, yung tipong dreams are better than reality.
Kanina, nagising ako. Yung biglang mulat.
Naranasan niyo na ba yun?
Siguro, maaari, depende o baka hindi pa.
Nagising ako.
Nagising ako na ang pakiramdam ko ay parang akala-ko-okay-na-ako-pero-tangna-hindi-pa-pala na may halong bigat sa puso.
Madalas pinipilit ko bumalik sa panaginip ko.
Kanina, nagising ako.
Nagising ako mula sa panaginip na andiyan pa siya, pero may kasama na siyang iba at akala ko masaya na ako para sa kanila nang bigla akong napunta sa sitwasyon kung saan ibinabalik ng malamig kong kamay ang kahapon at malalaman kong nakatago at nakaipit pa rin sa pitaka niya ang sulat ko nung mga panahong may "kami" pa.
Naguluhan ako. Hindi ko alam kung bakit at anong nangyayari. Tapos na ang kabanata namin, taon na ang nakalipas, pero bakit parang kahapon lang nagsimula ang sakit, tila bagong bago. Paanong binabalik niya ang kahapon kahit alam ko at alam niya na may mga taong importante sakin, samin, ang siguradong masasaktan. Pero hindi ako nakapagtanong ng bakit. Hindi na. Hindi na pwede.
Naluha na lang ako.
Kanina nagising ako at sa pagmulat ko, lumuluha pa rin ako.
Pinikit ko ulit ang mga mata ko, umaasa na makakabalik ako sa panaginip ko. Na baka maging maayos pa ulit "kami".
Ang sakit, ang sakit sa damdamin.
Pinikit ko ulit ang mga mata ko, umaasa na baka mahawakan ko ulit ang mga kamay niya, na maririnig ko ulit ang pintig ng puso niya.
Nagising ako, may patak ng luha sa mga mata na tila sariwa pa ang sugat na ang alam ko ay hilom na.
Madalas gusto ko bumalik sa panaginip ko.
Nagising ako. Yun tipong biglang mulat. Sa una ninais kong makabalik sa pagtulog.. pero nagdalawang isip ako kasi alam ko na hindi na pwede. Nagising na kasi ako. At higit sa lahat, wala naman na kasi talaga siya.
Naluha na lang ako.