Ilang linggo na ba nung huli silang nag-usap? Tatlo? Lima? Anim?
Pataasan ba ng pride ang labanan?
Hindi pa natatalo si Ally diyan.
"Ipananganak kaya ako ng nanay ko na wala siya, pwes bahala siya!"
Sabay buntung hininga ng malalim.
"Pag bukas hindi pa 'to nagparamdam. Fine, ako na mauuna."
There's always a first time naman, pag aalo niya sa sarili.
Kinabukasan ng hapon..
"Wala pa rin? Ano ba nangyari sa taong yun!"
"Kamusta?" Sabay pindot sa send button.
Alas onse y medya..
Tumunog ang messenger... Siya!
Habang kumakabog ang puso, binuksan ni Ally ang message.
Siya : "Hi. Musta?"
Napatigil si Ally, nagdadalawang isip.
Ally : "Hello, ok naman. Ikaw?"
Siya : "Bakit gising ka pa? Akala ko tulog ka na."
"Ah ganun, kaya lang nagreply kasi akala niya tulog na ako." Hindi alam ni Ally kung maiinis ba siya o malulungkot.
Ally : "Hindi ako makatulog, dami ko iniisip. Pwede ba kita tawagan?"
"What? Wait? Shet, nasend na. Muka ba kong desperada?"
Siya : "Sa landline ba? Wala ako sa bahay eh, bukas na lang. Message ka muna para alam mo kung nasa bahay ako."
"Haller. Hindi ba pwedeng sa cellphone ako tumawag?"
Ally : "Okay. Nasan ka ba?"
Nakatulog na kakaintay ng reply si Ally.
4:40am
Siya : "Sorry, nalobat ako kanina. Kakauwi ko lang. Kasama ko sila JP kanina."
Kinaumagahan na nabasa ni Ally yung reply.
Ally : "Morning, okay. Papasok nako."
Maghapong walang reply.
Ikalawang buwan na ni Ally sa graduate school. Maghapon siyang tulala sa klase. Hindi, mahigit isang buwan na siyang tulala sa klase.
"El, samahan mo naman ako. May bibilhin lang ako." Sabay hatak sa kaibigan matapos ang klase.
"Akala ko ba susunod tayo kila Patty ngayon?" Pagtataka ni El.
"Oo nga, may bibilhin lang ako. Sarado na mga tindihan mamaya pag natapos tayo nila Pat eh. Saglit lang 'to. Tara na."
"Ito na nga hinahatak mo na nga ako di ba. Makahila naman parang sa sale pupunta."
....
"Para san naman yang phone card na yan?" Pag uusisa ni El habang naglalakad sila palayo sa stall.
"Ha? Wala." Patay malisya na sagot ni Ally.
"Anong wala?" Nakakunot na tanong ni El. "Anong gagawin mo diyan? Napkin? Bookmark?
"Wala. May tatawagan ako."
"Malamang ano? Para 'san ba ang phone card, 'edi pangtawag!"
"Yun naman pala, alam mo naman pala. Magtatanong ka pa." Patawang sambit ni Ally.
"Dear hindi kasi yun ang tanong ko. Humihina na ba ang pick up natin sa mga bagay bagay? O talagang ayaw mo lang i chika sino tatawagan mo ha!?" Pang aasar na tanong ni El.
"Tatawagan ko siya mamaya." Mabilis na sagot ni Ally habang tumatawid sila sa pedestrian lane.
"Oh. Eh akala ko ba sabi niya magsabi ka muna bago ka tumawag."
"Oo nga. Pero weekend ngayon. Wala naman siya pasok. So malamang nasa bahay yun. So antayin ko yung reply niya saka ako tatawag."
"Ah okay. 'Di ba may landline naman kayo? Bakit ka pa bumili niyan?"
Malapit na sila sa parking kung san naroroon ang sasakyan ni El.
"Papaputol raw ni tito mamaya. Di niya matawagn yung sinta niya sa Riyadh. Tinext ko kanina kung pinaputol na niya. Putol na raw."
"Wow marunong na magreply si tito? Improving ah!
"Oo! Tignan mo anong sagot sakin. Teka papakita ko sayo." Natatawang sagot ni Ally habang sumasakay sa passenger seat ng sasakyan ni El.
Tito Sat : "Putol"
"Hanep! Nahiya naman ako sa straight to the point attitude ni Tito, nastress siguro yan at di na kinaya lagyan ng period." Patawang sagot ni El habang pinapiinit ang makina.
.......
"Sige bye Ally, sabihan mo ko kung okay na yung mga points na yan ha. Pag hindi sisihin mo si Pat. Ang daldal eh, wala tuloy tayo matapos." Paalala ni El habang pababa ng sasakyan si Ally.
"Siya lang madaldal ano?" Pang aasar na sagot ni Ally.
"Wag ka na bumanat. Sinamahan kita kanina remember?"
"Oo na. Ang daldal talaga ni Pat. Tsk. Dapat tuluran ka niya. Pipi."
"Ayan gusto ko sayo girl. Sige na at mukang parating na ang bagyo at uulan ng traffic sa kalsada."
"Bye. Salamat sa paghatid." Nakangiting sambit sabay kaway.
........
Hindi muna dumiretso ng bahay si Ally, tumigil muna siya sa Pay Phone sa Convenient store sa main road malapit sa bahay nila.
Ally : "Hi. Asa bahay ka ba?"
.
.
.
.
Makalipas ang kalahating oras pumatak ang ambon mula sa langit...palakas ng palakas ang mga patak..
.
.
.
.
Makalipas ang isa't kalahating oras.. patuloy na bumububos ang ulan at lumalakas na rin ang ihip ng hangin. Paonti na rin ng paonti ang dumadaang mga sasakyan at mga nakapayong na taong naglalakad.
"Bakit ba kasi di ako nagdadala ng payong." Paghihimutok ni Ally sa sarili.
Kalahating oras pa ang lumipas at tila walang pag asang tumila ang ulan, tulad na rin ng walang pag asang may sasagot pa sa kanya.
Sinubukan niya..
"Ikaw pala Ally. Wala siya eh." Sagot ng babae sa kabilang linya.
"Sige po Tita, pasabi na lang tumawag ako."
"Sige. Sasabihin ko na lang pagnakauwi na siya."
"Thanks po. Bye, Tita."
"Sige. Bye."
Naglakad si Ally pauwi. Nakapatong ang bag sa ulo at nagpapanggap na inaalintana ang pagbuhos ng ulan, na pinroprotektahan niya ang sarili sa malamig na katotohanan.